WATCH THE TRUTH .. :)

WATCH THE TRUTH .. :)
nakatext ko ‘yung kaibigan ko sa college. tinatanong niya kung ano na ang plano ko ngayong tapos na sa pag aaral. mag a apply. sabay singit ko na may hinihintay akong tawag mula sa pinagpasahan ko ng resume at letter of interest.
bali dalawa ang inaasahan kong tawag na galing sa mga Non Government Organization. ‘yung isa namang private, nagre requirements na ako. isang linggo na lang kapag natapos ko na lahat ng kailangan ng company na ‘yon, tuloy na talaga ako.
isang linggo na lang din ang palugit ko sa dalawang NGO na tawagan ako for interview. siguro kapag isang araw sa linggong ito eh tumawag sila, bibitawan ko ‘tong sa private, kung papasa rin ako sa kanila. haha.
ininterview ako ng president ng private company noong nakaraang monday, tanong niya sa akin kung saan ako magaling. 3 seconds bago ko naisagot ang MATH kahit hindi naman talaga ako magaling doon. kahit bano naman talaga ako. kung dumulas pa ng kaunti ang dila ko, malamang naisambulat ko ‘yung pag intindi sa mga tao at pakikipagkapwa tao. ewan ko rin kung magiging totoo ako sa sarili ko sa sagot na ‘yan. hindi naman ako magaling sa kahit anong bagay.
gusto ko lang talagang makapagtrabaho sa isang organization na totoong may tinutulungan. gusto ko lang magtrabaho kasama ang mga taong makatao. gusto ko lang maging parte ng lipunan. gusto ko masaya at fulfilling.
alam ko sa sarili ko kung saan ako mas liligaya. kaya noong nabalitaan ko na requirements na ako sa private company, kaunti lang ang excitement na naramdaman ko. hindi katulad sa pakiramdam noong papunta kami sa Mandaluyong Elementary School para magturo at tumulong sa mga estudyante ng tungkol sa pagtitipid at pagse-save ng pera. kakaiba.
siguro hindi pa talaga para sa’kin ang pagtatrabaho para sa bayan. ang drama! pero totoo, naghihintay pa rin. siguro kung hindi ngayon ang oras para sa NGO, bukas mas maganda na ang oportunidad na ibibigay sa akin. alam ko ‘yon.
lahat naman kasi may nakalaang panahon. huwag lang nating pilitin ang hindi pa talaga dapat mangyari. para lang akong nagsuot ng damit na hindi pa nabubuhol sa pagkakatahi, sa katagalan ay tastas agad. para ko na ring binalatan ang manggang bukas pa mahihinog, hindi maipinta sa kaasiman ang mukha kapag kinain. para akong bumili ng XL na damit sa pag aakalang tataba sa susunod na buwan. (pilit na paghahalintulad hahaha)
sa susunod na lunes, kapag natapos ko na ang requirements ko at hindi pa dumarating ang tawag ng dalawang NGO, kakainin ko na ang nakahain sa aking harapan. mainit pa, bagong luto.
ang liit lang pala ng Robinsons Otis. wala masyadong tao hindi katulad ng kahit saang Robinsons sa Metro Manila. kakaunti lang din ang mga stores dito. hindi mabibilang sa kamay pero hindi naman nakakapagod kapag inikot. mata mo lang ang mananawa sa paulit ulit na tindahang nakabalandra.
puro pagkaen pa ang tinda. hindi ko na matandaan kung anu anong mga pangalan. hehe. nasa isang daan lang halos mga bumibisita ngayong oras na nandito pa ako.
tumungo nga pala ako sa Robinsons Otis para kumuha ng NBI clearance. sa katangahang palad, sarado ang agency kapag weekends. hindi ko naitanong kay google, kausap ko pa naman siya kahapon.
dalawang baitang lang ang taas ng buong gusali. walang sinehan. balak ko pa namang tignan ang mga bagong indipendent film ngayon. sa Robinsons mall daw kasi madalas pinapalabas ang mga pelikulang ganoon.
pagkababa ko ay naalala ko ang nabasa ko sa Discover Magazine ng Robinsons, magkaibigan pala ang National Book Store at ang Robinsons. kaya dali dali kong hinanap ang pwesto ng NBS sa mall na ito. mapalad ako at bungad lang ito.
pumasok ako. kaunti lang din ang mga libro, pero siksik. hinanap ko kaagad ang Filipino Section, wala. pero nakita ko naman ang it only hurts when i pee, macarthur , pati ang ligo na u, lapit na me. alam ko kasi na magkakasama lang ang mga librong natin sa isang shelf kaya tumambay na rin ako.
ipinangako ko sa sarili ko na sa oras na mapadapo ako sa kahit saang book store, haharbatin ko na agad ang libro ni eros atalia. syempre babayaran ko naman. pero iba ang pinunta ko dito, sayang nga eh. bawal kasi gumastos ng hindi nakaplano ngayon. marami pa namang pagkakataon, hayaan na muna natin itong makalagpas.
dahil ayaw ko pang umuwi, naghanap hanap muna ako ng mga librong pupuwedeng ipila sa pagkakagastusan. gapo, bata bata paano ka ginawa, young blood, at napakarami pang iba.
sa bandang ibaba ng shelf, nagpumiglas bigla ang wallet ko nang makita ko ang its a mens world! 180 lang ata? kikislot kislot na ang mga pera para lumabas ngunit napigilan ko pa naman. muli, hindi nararapat ang mga side trip ngayon. higpit muna ng bulsa.
dahil bukas ang librong nakita ko, (patawarin ako ni bebang siy), binasa ko ang chapter 1. wala akong masabi sa sobrang ganda ng pagkakalahad ng kwento. nakakakilig, nakakatawa, at nakakatuwa. batang bata ang nakukwento. para akong nakikipag usap sa isang batang bago pa lang sa pagdadalaga. balak ko pa sanang i-extend ang pagbabasa hanggang susunod na chapter, kaso nakakahiya na talaga sa mga tao doon.
in conclusion, i will definitely buy that book. quesera sera. haha
nangangalay na ako dito sa pagkakaupo sa tapat ng citibank savings. nakikita ko pa ang reflection ko sa salamin. nababanas pa ako kasi ang gwapo ko sa salamin. wag ka nang kumontra! haha
uwi na nga ako. ingat ako!
habang ang lahat - siakol
alas tres na ng madaling araw nang tumahimik ang mga tao sa pagdiriwang na inihanda ng mga kaibigan ni angelo para sa kanya. araw kasi ng pagtatapos ni angelo. pagkauwi sa bahay ay hindi niya inaasahang pagkakaabalahan siya ng mga loko.
sa maliit nilang bahay nagkasya ang halos kinse katao, ang kagulat-gulat pa ay nakapagtago sila kung saan saan. pagkadilat ng ilaw agad silang sumigaw, happy graduation! ito namang si angelo napamura sa nakita, hoy gago! ano ‘to? wow! kailan ka pa dumating? sabay yakap sa kaibigang matagal nang hindi nakikita.
hindi na mapakali si angelo sa kanyang mga bisita. kamustahan. tanongan ng mga bago sa buhay. at hindi mawawala ang pag alala sa kanilang nakaraan. masarap sariwain ang mga tagpong tatawanan na lang sa pag epic, hindi makapaniwalang nangyari ang mga ganoon.
nagdala rin ng pagkain ang mga kaibigan niya upang hindi na gumastos si angelo. salamat mga pards! matutulog na sana ako sa sobrang pagod, eh. itinaas na lang ni kenneth ang bote ng beer para matigil ang pagdadrama ni angelo. party niya ‘to, kaya dapat hindi niya intindihin ang mga bagay na hindi magpapadagdag sa kasiyahan ng paligid.
para sa tagumpay! pinilit ni angelo ngumiti. kampay! muling umikot ang kwentuhan, bangka naman si john na ex ng bumasted kay angelo, pero wala silang ilangan sa isa’t isa. matapos ni john ay bumalik sa taong dahilan ng kasiyahan ang atensyon ng lahat. ngunit hindi lang mga tanong at intriga ang naibato kay angelo, sumabay na rin ang pagsuntok ng alak sa ulirat niya na dahilan ng unti unting pagkawala ng focus si angelo sa kwentuhan. tingin, oo, makabuluhang ngiti at hindi na lang ang mga sagot nito.
kayo pa rin ni janice? hindi na.
natikman mo ba? ngiti sabay talbog ng ulo.
first base? ngiti.
second? ngiti.
goal? gago! sabay tawanan ng mga ugok.
masaklap kasi sa mga inuman, palaging may pagbabalik tanaw sa mga pilit na kinakalimutang tagpo. paano pa makaka move on? nandiyan pa ang mga sawsaw.
lumalalim na ang gabi ngunit wala pa ring sumusuko, maliban na lang sa ibang hindi pwedeng magpaumaga. pito ang natira. malalakas na ang boses. kahit hindi na nakakatawa ang mga sinasabi humahagalpak pa rin.
kahit paubos na ang alak at pera, ayos lang, matagal na ‘to bago maulit. sa isang upuan mapapansin si angelo na kakaunto na lang ang ambag sa kwentuhan. bitin na ang pagtawa, pilit pa. madalas ang pagtingala, sinisipat ang buwan kung nakangiti sa dilim.
nasaan ka na? mabuti’t naisabay niya sa tawanan ng mga kaibigan ang bulong sa hangin. panakanakang tumitingin sa cellphone. putangina, lasing na ako. parinig pa niya sa mga kaibigan.
lasing na sila. madaling araw na. unti unti nang nag iingay ang mga tandang. oras na para magligpit ng mga kalat, palipatin ang mga kaibigan sa loob ng bahay para matulog ng mahimbing. at tapusin na ang paghahantay ni angelo sa wala.
nakatayo sa harap ng pinto, hawak ang cellphone, may hinihiling ang binata.
kahit maligayang pagtatapos lang. kahit isa lang.
kawawa naman ang court ng lugar namin, naging basurahan ng mga tao mula sa itaas. kawawa naman ang mga basurahan, buong araw nakanganga wala man lang nagpapakain.
ano kayang nangyayari sa mga tao ngayon? walang pakundangan sa pagtatapon ng basura kung saan saan. tila kayabangan ang pinaiiral na kapag nagtapon ng basura sa court ay may tapang sa sarili. kay liwanag pa ng araw ngunit hindi natatakot na magtapon. samantalang dati rati naman, magtapon lang ng candy sa lapag hindi na mapakali kung paano itatago ang mukha sa madla. ngayon hindi na, magtapon ka ng basura, gagayahin pa. maghagis ng kalat, taas noo pang ginagawa.
dito sa seventh floor kung saan kami nakatira, malawak ang abot ng aming paningin. kitang kita namin ang mga confetting bumabagsak mula sa kamay ng kupal na nagtapon. walang ginagawang programa, kahit ordinaryong araw, bukas na bukas ang court para tanggapin ang anumang uri ng palamuti, malaki man o maliit.
dito rin sa seventh floor, may computer shop na punong puno ng kabataan. hindi mawawala sa kanila ang mga sitsiryang napakaraming vertsin at chemical. sa tapat ng shop naroroon ang isang itim na lalagyang tinatawag na basurahan. kung lalakad pa ng kaunti, makikita ang isang malaking espasyo na pinaglalaruan ng maraming bata, tawag dito ay court.
hindi ko maintindihan sa mga bata at matatanda sa kahit saang parte ng lugar kung bakit mas pinipili nilang ilagay ang basura nila sa court. mahirap bang maunawaan na ang court ay palaruan at ang basurahan ay lagayan ng basura? kahit naman siguro hindi ituro sa eskwela ang pagkakaiba ng dalawa ay hindi ito masakit sa ulo intindihin.
minsan gusto kong magsuhestiyon sa Brgy. Officials ng 901 na huwag ng pinturahan ang court sa halip lagyan na lang ng paalala katulad ng HINDI AKO BASURAHAN! siguro pwede rin magpatupad na lang ng ordinansa na ang mahuling nagkakalat ay may karampatang penalty at ang makakahuli ay makatatanggap ng pabuya. kaso mahirap, matrabaho.
mas maganda sa pinakasimpleng paraan tayo magsimula. dapat maging parte ang bawat nakatira sa tenement sa kalinisan ng kapaligiran. tayo tayo rin naman ang araw araw na nakikisalamuha sa lugar na ito. hangga’t kaya nating ibulsa muna ang kakarampot na kalat o basura, gawin natin. maghanap na lang tayo ng basurahan sa pinakamalapit na lugar, pwede rin namang maghugas ng kamay matapos maitapon ito.
nakakahiya bang magtapon ng basura sa tamang lalagyan? hindi ba’t mas nakasusulasok ang mga taong marumi sa paligid? mahiya ka naman!
sa gitna ng kanyang pagdadalamhati, halos manluwa ang mata ni albert sa kanyang biglang nakikita. hindi siya makapaniwalang ang mga taong kaninang blangko ang hitsura’y nagbago. hindi lamang nagkaroon ng mata, ilong, bibig at pisngi ngunit lumabas din ang kanilang utak.
makatagal lang ng limang segundo sa pagkakatitig ay malalaman na ni albert ang mga binibigkas ng panloob na tao ng nagmamay-ari nito. bawat linga pala ng tao’y may iniisip na siya. kahit matapos ang kwentuhan, sa patay na hangin siya may binubulong. ang bawat katapusan ng pangungusa, may mga bagay siyang nais isiksik ngunit walang lakas ng loob. may mga tagpong doon lang nagkita ngunit sa mga isip nila ay nag uusap na. nag aaway.
tamang nag e enjoy na si albert nang may isang lalake ang sumakay sa jeep. sa tabi ni albert napiling maupo ng lalake, sa kaliwa niya. natabig pa si albert kaya nanghingi ng tawad ang lalake. laking gulat naman ng lalake ang kanyang nakita. hindi tulad ni albert na halos lumabas ang mata sa pagkamangha, ngipin. paimpit na bumubungisngis ang lalake sa kanyang kinauupuan. yumuyukod pa ito at pasulyap sulyap.
hindi nagtagal ay nakonsensya na ang lalake sa kanyang kagaguhan. kinalabit niya si albert para gisingin. hindi naman tulog mantika ‘tong si albert, sa katunayan isang kalabit lang ng lalake sa kanya ay dilat na siya. laway mo. agad na dumukot si albert sa bulsa kung saan nakasuksok ang kanyang bimpo. punas. salamat.
hindi makatingin si albert sa kanyang savor. hindi pa naman kasi tumutulo ang laway niya, nasa bingit pa lang ng paghihiwalay ng labi at ng likido. malapot. gayon pa man ay sinubukan pa rin ni albert na aninagin ang lalake. chuck taylor, sa kanyang peripheral vision ay purong itim ang suot nito. astig. kahit napaglipasan na ang kanyang edad hindi naman naluma ang panlasa niya sa pananamit. siguro sa kabataan niya pa mas mapapahanga si albert dito.
sinubukang basahin ni albert ang isipan ng lalake. tinitigan na niya. pinaliit ang mata para makapagpokus. ngunit binigo siya ng kanyang kapangyarihan. tila pinatikim lang kay albert ang oportunidad na mapasok ang iniisip ng kanyang kapwa pasahero. o natatangi rin ang lalake? may angking kapangyarihang iwaksi ang pumapasok sa kanyang utak? o sadyang walang iniisip? o walang isip?
pero sigurado si albert na nababasa niya ang mga sinasabi ng pasahero bago pa man siya matabig ng lalake. biglang pumitik sa kanyang isip na nakatulog pala siya kanina. na ginising lang siya ng lalake. tama! panaginip lang ang lahat ni albert.
para! bumaba na siya sa Panaderos St. kahit sa dulo pa siya ng Punta dapat tumungo. hiyang hiya siya sa pagtitig na ginawa niya sa rakstar na matanda. weirdo.